Saturday, April 2, 2011

Ang Talinghaga ng Kubeta sa Austria

PAALALA: May mga salitang di-naangkop sa mga batang mambabasa. Patnubay ng magulang ang kailangan!

Kalimitang alarm clock ko ang aking puwet sa umaga. Ito ang gumigising sa aking kahimbingan. Hindi tulad ng alarm clock, hindi ito puwedeng ipagpaliban. Gigising at gigising ka. Pupungas-pungas, halos di na buksan ang ilaw at pabangga-banggang tutungo sa trono ng kapayapaan. Kapag nakaupo na nang maayos, saka lamang magkakaroon ng katahimikan ang iyong mundo.

Plak, plak, plak! Tagumpay, Kasarinlan, Kalayaan! Iyan ang tila umaalingawngaw sa aking tinig at damdamin habang patalsik-talsik ang tubig na tila tsunami na nagpupumilit kumawala at manalanta.

Pero gising na ang iyong ulirat. At di ka na alipin ng iyong panaginip.

Naging bahagi na rin ng aking pang-umagang ritwal ang pagninilay-nilay patungkol sa araw na dumaan at pananahimik sa harapan ng Dios para sa paghahanda sa isa pang parating. Kadalasan nagaganap rin ang ikalawang bahagi ng aking panaginip habang nakaupo sa trono. Para bang teleserye na ginagawa sa ibang tagpuan.

Pero sa aking pagtigil sa Austria, tila may sagabal sa aking pananahimik tuwing umaga. Naaamoy ko ang atomic bomb habang ako'y tahimik na naghihintay sa pagtatapos ng rebolusyon. Dahil sa makapanindig-balahibong bomba, kinailangan ko ng tumayo, kung hindi, mawawala ako sa ulirat.

Pinag-aralan kong mabuti ang hinulmang kubeta at ito ang aking napagtanto. Kakaiba pala ang kubeta ng Austria. Sa Pilipinas at Japan, ito ay nakahulmang paibaba papunta sa tila balon kaya didiretso sa tubig ang inyong tinatagong kayamanan.

Sa Austria, ito ay parang platong sumasambot ng rasyon at maya-maya'y itutulak ng tubig sa bangin. Kung masyadong marami ang rasyon, tsunami ang kailangan para maiagos ito nang tuluyan. Kung mahuli ka ng pindot at tumagal ang rasyon, ikinalulungkot kong sabihin na mag-iiwan ka ng alaala. At natitiyak kong aawitin ng susunod na hari o reyna ang "Maalaala mo kaya ang sumpa mo sa akin..." dahil tila sumpa ito kapag nasilayan ng kasunod.

Ito pala ang dahilan kung bakit kailangan ko nang tumayo agad kahit may naisin pang magmuni-muni habang naghihintay ng bukang-liwayway. Ano kaya ang karunungan sa likod ng kubetang ito? Habang tinititigan ko ang pagkakahugis nito iniisip ko kung anong talinghaga ang bumabalot sa kanyang kabuuan. May itinuturo kaya ang Dios sa akin?

Sa ikalawang umaga, inihanda ko na ang aking sarili sa pakikibaka sa bagong digmaan. Kailangang magtagumpay ako! Di naglaon, ito'y mas matamis dahil may kaakibat na pagtitiis dulot ng atomic bomb. PAGHIHINTAY NA MAY PAGTITIIS - isang disiplinang kailangan pang mahubog sa buhay ko.

Kailangang matutong magtiis habang naghihintay kahit tila walang landas, maraming sangandaan, o kahit walang patutunguhan. May kabuluhan pala ang masalang sa mga suliranin dahil kapag napagtagumpayan, ika'y tila gintong tinupok sa apoy.

Hayaan nating lutuin ng panahon at hulmahin ng mga pagkakataon ang ating mga priyoridad. Kailangan nating umupo nang matagal upang marinig ang ibinubulong ng puso, walang halong pagkukunwari anupa't hubong naghihintay.

Sa bawat umagang nasa tagpong ito ipinapanalangin ko sa Panginoon na bigyan Niya ako ng mabiyayang pagtitiis sa lahat ng aspeto ng aking buhay.

Sa Japan man o kahit saan, parehong tagumpay ang bawat pakikibaka sa nakagawiang ritwal. At nasisigurado kong hindi matatapos ang bawat umaga na hindi magpapasalamat sa Panginoon sa Kanyang itinuro sa aking buhay patungkol sa talinghaga ng kubeta sa Austria. :)