Wednesday, March 30, 2011

Matamis na Pagtatapos

"Babalik ako kapag kasing taas mo na ang bubong!" Iyan ang sinabi ko sa three musketeers bago ako umalis tungong Osaka. Mga bata pa sila, pero alam kong naiintindihan nila ang mga salitang iyon. Alam nilang hindi na ako babalik. Uuwi na ako. Tapos na ang paglalaro. .


Ayaw kong mangako. Maghihintay palagi at magtatanong kung kailan ako makikipaglarong muli. Naramdaman ko ang init ng kanilang mga yakap na tila mga kuting na naglalambing. Walang mga kataga pero pinipigil ang aking mga paa at kinakadena ang aking damdamin.

Ilang taon mula ngayon, inaasahan kong tatawag ang mga iyan sa akin. Ang isa maaaring mag-aaral sa Japan. Isa nama'y magtatrabaho o di kaya naman ay papasyal. Malawak ang mga posibilidad.

Nakipaglaro pa ako, limang minuto bago ako tuluyang umalis. Sa huli, kumaway na akong papalayo sa kanila. May ngiti na sa kanilang mukha na tila inaasahang babalik pa ako kinabukasan. Unti-unti, alam kong tuluyang lalayo na sa kanilang isip na minsa'y nagkulitan kami sa mahabang lumang kalye ng Vienna.

Lahat ng bagay ay nagtatapos... at nagsisimulang muli. Ganoon lang naman ang buhay! Sadyang may panahon sa lahat ng mga pangyayari at napakabuti ng Dios dahil may iba't ibang emosyong nakapaloob sa pakikipagkaibigan.

Hindi na muling mauulit pa ang mga masasayang tagpong tulad nito sa anumang kalawakan at panahon, pero salamat dahil sa pambihirang pagkakataong makaranas ng isang matamis na pagtatapos.

Wednesday, March 23, 2011

Parang Hangin



Ilang araw na lamang at mapapasama na ang karanasan ko sa Vienna sa mga hinihipan ng hangin hanggang sa mabaon sa limot.

"...lumilipas, kumukupas ang bawat yugto ng buhay..."

Ayaw ko pa sana matapos ang yugtong ito ng buhay ko pero kailangan na akong bumalik sa Japan. Masaya naman ako sa Japan. Pero parang ayaw kong iwan ang Vienna. At siguradong sa unang gabi ko sa Osaka, mararamdaman kong tila parang hangin lang na dumaan ang Vienna sa buhay ko. Huwag mo akong kalimutan, Vienna!

Tuesday, March 22, 2011

Isang Pagpapakilala



I'm not a writer. I don't write. I just wanna share. I just wanna laugh.

Ako si Oliver. Lumaki sa Silang, Cavite at nag-aral sa Maynila. Hindi magaling magsulat sa Ingles at Filipino. Wala nga akong maisip na isusulat sa una kong blog na ito. Hindi rin mahalaga sa akin kung may magbabasa nito o wala. Gusto ko lang isulat ang lahat ng bagong karanasan para mabasa ng iilan.

Hayaan ninyong dalhin ko kayo sa mundong aking ginalawan at nais pang galawan. Hindi ako magaling na manunulat pero pipilitin kong ilabas ang bawat emosyong nakapaloob sa bawat pagbibiyahe. Nawa'y mailarawan ko nang buong liwanag ang mga karakter ng mga taong nagkaroon ng malaki o maliit na bahagi sa aking paglalakbay. Ang aking pagsusulat ay walang bahid ng kagalingan, hangad lamang nito'y magdulot ng ngiti, singhot at pag-asa.

Hindi ko nilayong purihin ako sa aking pagsusulat. Nais ko lamang maging bahagi ako ng inyong buhay pagbabasa. Hayaan ninyong ikuwento ko sa inyo ang nakita ng aking mga mata, ang ipinintig ng aking puso at ang inusal ng aking damdamin.

Gusto ko pa sanang magsulat pero ayaw ng tumipak ang mga daliri ko sa keyboard.
----
Ang unang larawan ay kuha sa Schonbrunn Palace sa Vienna, Austria. Sa landas na kung saan ay tila walang patutunguhan, salamat sa Dios dahil mayroong kaagapay. Bagong dating ako sa Austria noon (para sa isang research grant) at nais ko ng bumalik sa Osaka, Japan. Makulimlim dahil winter pa. Sumasabay sa aking pagkalungkot ay ang pagpupumilit na pagpasok ng napakalamig at napakanipis na ihip ng hangin sa kasingit-singitan ng aking kalamnan. Salamat sa Dios, walang pagpapatiwakal na nangyari. :)

Ang ikalawang larawan ay mahalaga dahil nanalo ito sa United Nations Photo Competition noong September 2010. Napili ito mula sa halos 3,000 larawan sa iba't ibang panig ng mundo. Alam kong hindi ka naniniwala at tumataas ang iyong kilay, kaya heto ang ibidinsiya --- http://www.undp.org/picturethis2010/mdg4.shtml